Salamat sa sinag ng araw, buwan at bituin
Kundi sa mga ito daigdig ko'y madilim
Salamat sa puno na nagbibigay lilim
Na aking sandalan habang nagpapahangin.
Salamat sa langit, kapag ito'y lumuluha
Hindi dapat malungkot, sa halip ay matuwa
Ang handog na ulan ay pandilig sa lupa
Para sa mga binhing sa bukid ay ipinunla.
Salamat sa aking kabataang nagdaan
Na puno ng mga masasayang karanasan
Kasiyahan ko noo'y makipaghabulan
At magbilang ng bituin sa kalawakan.
Salamat sa aking mga mahal na magulang
Pagsilang sa mundo sa kanila ay utang
Pagkalinga sa akin ay di kayang bayaran
Wala itong katapat libo mang kayamanan.
Salamat sa aking mga mahal na tiya
Sila'y aking itinurig pangalawang ina
Salamat sa mga kapatid na kahati sa ligaya
At sa lahat ng aking mga kapamilya.
Salamat sa kabiyak ng puso at kanyang
alaala
Lakas ng loob at tapang sa akin
ay isinalin niya
Sa mga mutyang anak na pulos sa kanya nagmana
At sa mga apong hindi na niya nakita.
Salamat sa mga tapat na kaibigan
Na palaging nariyan sa oras na kailangan
Mga sama ng loob, sila ang hingahan
Walang inggit sa puso sa ami'y namagitan.
Salamat din sa aking mga butihing guro
Sa akin, sila ang matiyagang nagturo
Mula sa pagbasa hanggang sa paglalaro
At paano ang pagharap sa tadhanang mapagbiro.
Salamat sa talinong siyang ginagamit
Upang matarok and tama at mali sa mga pagsusulit
Nakalagak doon karunungang nakamit
Upang sagutin ang sino, ano, at bakit.
Salamat sa mga kamay na siyang tagapag-gawa
Na pinagsasalikop kapag humihingi ng awa
Siyang iniaabot sa pagkakawanggawa
Siya ring ginagamit na pang-akay sa bata.
Salamat sa paa na siyang tagapag-hakbang
Upang ako'y dalhin sa bukid at parang
Matapos maglibot sa buong daigidgan
Ibinalik at inihatid sa sariling bayan.
Salamat sa mga mata na nakakakita
Sa pagkakaiba ng pangit ssa maganda
Tulad ng mabangong kuwintas ng sampagita
Dala ng gusgusing batang sa kalye ay nagtitinda.
Salamat sa puso na patuloy ang pagtibok
Sa ligaya't saya, pighati at pagsubok
Salamat sa kapwa-puso at pag-ibig na alok
Ligaya and dulot, kung minsan himutok.
Salamat sa aking buhay na iyong ibinigay
Sa dusa't pasakit, ligaya at lumbay
Sa mga pagsubok at pagtatagumpay
Panginoon, ang lahat ng ito sa iyo ay alay.
Top
Bituing
Aabutin
Abutin ang Bituin
Tuwing mga araw na tikatik
ang pag-ulan,
May bahagharing sa malayo'y natatanawan
iba't-ibang kulay parang kababalaghan
Patakbong hahanapin ang pinagmulan.
Ang sabi nila sa dulo ng
bahaggari
May nakatagong isang malaking gusi
Puno daw ito ng mga ginto at salapi
Ang makatagpo nito ang magmamay-ari.
Madalas mangyaring aming
inaaninag
Mga kastilyong nakaporma sa alapaap
Sa bawat sikat ng araw ay aming nasisinag
Ang aming mga mumunting pangarap.
Mga kalaro ko ay iba-iba
ang gusto
May nais maging pulis, may gustong magsundalo
Mayroon namang guro ang iba'y abogado
Ang deklarasyon ko'y magiging doktor ako.
Palibhasa'y musmos kami'y
nagpapayabangan
Darating ang araw kaming lahat ay yayaman
Bibili ng kotse na aming sasakyan
At bahay na maganda ang aming titirahan.
Dahil ako'y doktor manggagamot
ako
Lahat ng mahihirap ay ililibre ko
Aking ipakikita pagtulong na totoo
Subalit mayayaman ay sisingilin ko.
Kapag ako'y doktor na,
ako'y maglalakbay
Sa dambuhalang eroplano ako ay sasakay
Ang mga bituin magiging abot-kamay
Isa-isang pipitasin, kay ama't ina'y iaalay.